Está en la página 1de 2

Alamat ng Bahaghari

Sa isang malayong kaharian ay namumuhay ang isang Hari na kailanman ay hindi pa


nararanasang umibig. Tila napakadilim ng kanyang mundo, malungkot at walang kakulay-kulay. Sa
tuwina ay makikita siyang mag-isa lamang sa kanyang silid. Tanging mga piling kawal at katulong
lamang ang nakakapasok sa silid ng Hari. May mga pagkakataon rin na nakikita itong nakadungaw sa
bintana ng palasyo, ngunit bihira lamang iyon.

“Mahal na Haring Kasmir, bakit po hanggang ngayon ay wala pa kayong asawa?” tanong ng
isang tagapayo nang minsang ipatawag ito ng hari.

“Dahil ang totoo’y hindi ko pa nakikita ang karapat-dapat para sa akin,” tugon ng hari gamit
ang seryoso nitong ekspresyon. Bihira lamang itong ngumiti at nakasanayan na iyon ng ilang mga
taong nakakasalumuha nito.

“Ngunit nagtataka na po ang mga tao at nangangailangan ng Reyna ang ating kaharian. Isang
reyna na magbibigay sa inyo ng supling na siyang susunod na magmamana ng trono.” Tuloy tuloy na
sinabi ng tagapayo.

Napaisip si Haring Kasmir sa narinig. Tumatanda na siya ngunit hanggang ngayon ay wala pa
ring Reyna ang kaharian. Kaya’t noong araw din na iyon ay isang kautusan ang ipinarating nito sa
tagapayo.

“Kung gayon ay hanapan mo ako ng mapapangasawa. Hindi ninyo kailangang dalhin ng


sapilitan dito ang lahat ng dalaga sa baryo. Iparating lamang ninyo ang balitang ito sa lahat ng tao sa
baryo at hayaan silang magtungo sa kaharian ng ayon sa kanilang sariling kagustuhan. Sapagkat ang
hangad ko ay isang babaeng magmamahal sa akin ng tunay at walang bahid ng pagnanasa sa
kapangyarihan ko bilang Hari.”

Agad na tumalima ang tagapayo sa narinig at ipinatawag ang mga kawal upang sabihin ang
isang napakahalagang bagay na ipinag-utos ni Kasmir.

Kinabukasan ay dinagsa ng napakaraming dalaga ang kaharian. Lahat sila ay galak na galak na
makita nang lubusan ang hitsura ng Hari. At nang dumating na ang pagkakataon na kanilang
pinakahihintay, laking gulat ng mga ito matapos masaksikhan kung gaano kakisig at matipuno ang
Hari.

Kinakabahang humarap si Haring Kasmir sa mga ito lalo pa’t hindi ito sanay makihalubilo.
Halos abutin na ng gabi ang pamimili sa kung sino ang mapapangasawa niya subalit nabigo pa rin
siyang mahanap ang magiging Reyna ng kaharian. Halos lahat ng mga nagsipagdalo ay kapansin-
pansin na gahaman sa salapi at kapangyarihan. May ilan rin na tila ang kanyang panlabas na
kaanyuan ang siya lamang hangad. Magaling si Haring Kasmir sa pagkilatis kung kaya’t hindi
nakaligtas sa kanyang mapanuring mata ang tunay na motibo ng bawat isa.

Natapos ang buong araw at nagpasiya na si Kasmir na tapusin na ang isinasagawang pagpili.
Labis na kalungkutan ang kanyang naramdaman kung kaya’t sa unang pagkakataon ay minabuti
nitong magpahangin muna sa hardin ng kaharian. Ibang ginhawa ang naidudulot ng pagdampi ng
hangin sa kanyang balat. Idagdag pa ang mga mumunting bituin na nagbibigay liwanag sa kalangitan.
Ngunit sa gitna ng kanyang pagmumuni-muni ay isang sigaw ang nakapukaw ng kanyang
atensyon. Noon ay nasaksihan niya ang isang dalaga na hinahabol ng ilang kalalakihan. Mabilis pa sa
kidlat na namagitan si Kasmir at ipinagtanggol ang dalaga.

Dahil sa sanay sa pakikipaglaban ay agad rin nitong napatumba ang mga tulisan. At nang
mabigyan ng pagkakataon ay agad niyang hinila palayo sa lugar ang dalaga.

At nang tuluyan niyang nasilayan ang angking ganda ng dalaga ay agad siyang umibig dito.
Nalaman niya na Hermina ang pangalan ng magandang dilag na bumihag sa kanyang puso. Ngunit
hindi man lang siya nabigyan ng pagkakataon na malaman kung bakit ito hinahabol ng mga tulisan
dahil nagmamadali rin itong umalis ng gabing iyon.

Ngunit laking gulat niya nang minsan na muling magkrus ang kanilang landas. Isang gabi
habang mahimbing siyang natutulog ay nagising siya sa pagbukas ng bintana kasabay ng pag-ihip ng
hangin. Walang anu-ano’y napadpad si Hermina sa kanyang silid. Walang pagsidlan ang kanyang
kasiyahan nang dahil doon.

Ang minsan nilang pagkikita ay napalitan na ng madalas. Hanggang sa tuluyan ng nahulog


ang loob nila sa isa’t isa.

Subalit isa lamang ang ipinagtataka ni Kasmir, iyon ay kung bakit kailangang maging sikreto
ang kanilang pag-iibigan gayong sa katunayan ay balak na niya itong pakasalan upang maging reyna
ng kaharian. Walang maibigay na matinong sagot si Hermina kung kaya’t nauuwi lamang sa pagtatalo
sa tuwing madadako sa bagay na iyon ang kanilang pag-uusap.

At nang dumating na ang kaarawan ni Haring Kasmir ay pasikreto muli itong nakipagkita kay
Hermina.

“Napakaganda nito, mahal,” aniya matapos tumambad sa kanyang paningin ang isang makulay
na bahag na gawa raw mismo ni Hermina. Sa labis na kasiyahan ay napayakap siya dito.

Ngunit sa araw na masaya sana ang buong kaharian ay tila naging trahedya matapos itong
sugurin ng grupo ng mga tulisan na minsan ng nakaharap ni Kasmir.

Walang nagawa ang mga kawal upang pigilan ang mga tulisan dahil sa malaki rin nitong
bilang. Isa lamang ang pakay ng mga ito, ang makuha si Hermina.

“Ibigay mo sa amin ang babaeng iyan,” ani ng isa na tila siyang lider ng mga tulisan.

Nanatiling tahimik si Kasmir habang pilit itinatago si Hermina sa kanyang likuran.

Muling nagsalita ang isa sa mga tulisan. “Kakaiba ang babaeng ‘yan, malaki ang kikitain namin
sa oras na mapasaamin siya. Kaya kung ako sa ‘yo, ibigay mo na siya sa amin.”

Ngunit wala ng makakapagpabago pa sa isip ni Kasmir. Minsan lang niya naranasan ang
umibig. At ipaglalaban niya ng patayan ang pag-ibig na iyon.

Walang anu-ano’y nagsimula ang mga itong sugurin siya. Matapang na nakipaglaban si Kasmir
subalit hindi niya inaasahang hahantong sa kagimbal gimbal na bagay ang lahat.

También podría gustarte