Está en la página 1de 1

AUGUST 9, 2011

NR # 2490B

Tsuper at konduktor ng bus, bigyan ng sweldo


Iminungkahi ni Rep. Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan de Oro) na bigyan ng karagdagang insentibo o sweldo ang mga bus driver para lalo silang mag-ingat sa kanilang pagmamaneho. Ayon kay Rodriguez ang pangaunahing dahilan kung bakit nagiging barumbado sa pagmamaneho ang mga tsuper at konduktor ng bus ay sa dahilang walang silang sapat na sahod. Umaasa lamang sila sa komisyon kaya madalas nilang labagin ang batas trapiko. Ito ang nag-udyok kay Rodriguez na itulak na pagtibayin ng Kongreso ang House Resolution No. 1410 na nag-uutos sa House Committee on Labor and Employment para imbestigahan ang kalagayan ng mga tsuper at konduktor ng bus sa buong kapuluan upang mapabuti ang kondisyon nito para sa kaligtasan ng publiko. Kailangang kumilos ang Kongreso para tugunan ang problema ng mga tsuper at konduktor ng bus, kung maaari silang bigyan ng fixed rate o fixed working hours para maresolba ang problema, wika ni Rodriguez. Sa datos ng Metro Manila Development Authority (MMDA), sinabi ni Rodriguez na may 4,825 na aksidente ng bus noong 2008 at nasa average na 13 ang sakuna kada araw habang nasa 1,488 naman ang aksidente ng bus ang naitala sa unang limang buwan noong 2009. Ang mga aksidenteng ito ay sanhi ng mga hindi nag-iingat, barumbado at kaskaserong mga tsuper ng bus, dagdag pa ni Rodriguez. (30) eag