Está en la página 1de 1

AUGUST 8, 2011

NR # 2489B

15 taong programa ng modernisasyon sa AFP, isinusulong


Pinamamadali ni Muntinlupa City Rep. Rodolfo Biazon, Chairman ng Committee on National Defense and Security sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagsasabatas ng panukalang nagsusulong ng 15 taong programa sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas upang maiangat ang kapabilidad sa pakikidigma ng mga kawal sa larangan. Sa inihaing House Bill 4949, nais paamyendahan ng mambabatas sa Kamara ang Republic Act 7898 o AFP Modernization Act dahil nakatakdang magtapos ito sa buwan ng Disyembre, taong kasalukuyan. Ani Biazon, ang programang modernisasyon ay dapat na nakatuon sa seguridad pangloob upang matugunan ang mga suliranin sa mga mapanganib na lugar sa bansa. Ayon kay Biazon, ang panukalang P428 bilyon para sa unang limang taon ng programang modernisasyon sa ilalim ng HB 4949, ay gagamitin sa pagbili ng mga makabagong armas, bala at mga sasakyang panghimpapawid tulad ng helicopters, na maaaring magamit sa paghahatid ng mga armas, medical supplies at mga sugatang kawal sa pagamutan. Sinabi ni Biazon na maaaring pagkunan ng Kongreso ang bahagi sa kita ng Malampaya na tinatayang kumita na ng P103 bilyon para sa modernisasyon. Batay sa datos noong 2002, ang Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay may kabuuang lakas ng 106,000 kawal at reserve na 131,000 kawal. Ang Hukbong Katihan o Army, ay may 73,000 tauhan, walong eight infantry divisions at limang engineer battalions. Kasama sa kanilang kagamitan ang 40 Scorpion tanks. Ang hukbong Dagat ay may 24,000 tauhan, kabilang na ang 7,500 Marines, na may isang frigate at 58 patrol at coastal combatants. Ang hukbong Panghimpapawid naman ay may lakas na 16,000 tauhan, na may 49 combat aircraft at 67 armed helicopters. Sa mga sumunod na taon, ang PAF ay nakabili ng mga bagong SF-260 trainer planes at night attack helicopters at nakatakda ring bumili ng 8 primary trainer aircraft, 10 karagdagang Huey UH-1H utility helicopters, walong bagong combat utility helicopters, walong bagong attack helicopters, dalawang light lift aircrafts, at 12 trainer helicopters. Bilang dating hepe ng AFP ay alam natin ang tunay na kalagayan ng sandatahang lakas at ang kanilang mga pangangailangan, kayat alam natin kung ano ang irerekomenda nating halaga sa programang modernisasyon na makatotohanan at epektibo na makatutugon sa pangangailangan ng ating mga kawal, sa gobyerno at sa sambayanan, giit ni Biazon. ### jm